4 holdaper timbog sa Marikina

Apat na hinihinalang kilabot na holdaper ang na­aresto ng puwersa ng Ma­rikina police sa dalawang magkahiwalay na insidente ng holdapan kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.

Ayon kay Supt. Sotero Ramos Jr., hepe ng Mari­kina police, ang agarang pag­kakadakip sa mga suspek na sina Ronoel Gocon, 21; Angelito Cruz, kapwa nakatira sa Banta­yog Street, Concepcion Uno; Ricardo Eugenio at Christopher Ramos, 35,  ay dahil na rin sa walang tigil na kampanya ng pulisya upang malinis ang masa­samang elemento na nag­lipana sa lungsod.

Lumalabas sa ulat ng pulisya na dakong alas-11 ng gabi ng agawan ng cellphone ang biktimang si Jenalyn Diala, 20, dalaga, ng mga suspek na sina Go­con at Cruz, habang nagla­lakad ito pauwi ng kanilang bahay sa De Guzman St., Brgy. Concepcion Uno, ng lungsod na ito.

Ang nasabing insidente ay natiyempuhan naman ng nagpapatrulyang mobile patrol dahilan upang mag­karoon ng maikling habu­lan na ikinaaresto ng da­lawang suspek.

Bago ito ay pinasok naman ng tatlong mga sus­pek kabilang sina Eugenio at Ramos dakong alas-10 ng gabi ang Pan de Manila na matatagpuan sa kaha­baan ng  J.P. Rizal St. Con­cepcion Uno ng lungsod na ito ng mag­pang­gap na mga kos­tumer ang mga ito.

Agad tinutukan ng mga suspek ng balisong at baril ang mga empleyado ng nasabing bakery at tina­ngay ang mga cellphone ng mga ito at kita ng na­banggit na establisimento saka mabilis na nagsitakas sakay ng kanilang motor­siklo.

Mabilis namang naka­ta­wag sa himpilan ng pul­isya ang empleyado ng na­sabing bakery kaya agad na nagsagawa ng dragnet operation at checkpoints da­hilan upang madakip ang dalawang suspek sa kahabaan ng J.P. Rizal sakop ng barangay Con­cep­cion Uno. Nakatakas naman ang pangatlong suspek na nakilala lamang sa alyas na Edok na nga­yon ay pinaghahanap na ng otoridad. 

Nakuha sa dalawang suspek na nangholdap ng nabanggit na bakery ang balisong at baril na gina­mit ng mga ito sa kanilang operasyon. (Edwin Balasa)

Show comments