QC shootout: 3 holdaper todas

Nabaril at napaslang ng mga awtoridad ang tatlong pinaghihinalaang holdaper sa isang shootout makara­ang maaktuhang nangho­hol­dap sa isang pampasa­herong jeep, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Patuloy pang inaalam  ang pagkakakilanlan sa napaslang na mga suspek.

Naganap ang insidente   sa may northbound lane ng Commonwealth Avenue sa naturang lunsod sa hara­pan ng Diliman Preparatory School dakong alas-7:15 kamakalawa ng gabi.

Sa insidente, isang pa­sahero na nakilalang si Ana Fernandez ang na­balian ng kanang braso makaraang tumalon mula sa naturang sasakyan nang magdeklara ng hol­ dap ang mga suspek. Si Fernandez ay patuloy na naka-confine sa Malvar General Hospital.

Sa pahayag ng driver ng jeep na si Edgar Limo, ang apat na suspek ay su­ma­kay sa kanya sa may ba­hagi ng Philcoa kung saan ang isa sa mga ito ay umupo sa kanyang tabi at ang tatlo naman ay umupo  sa likuran. 

Sinabi ni Limo na agad siyang tinutukan ng kutsilyo ng suspect na nasa hara­pan, habang ang ibang sus­pek ay naglilimas ng pera at mahahalagang gamit ng mga pasahero.

Naaktuhan naman ng nagpapatrulyang pulis QCPD ang komosyon sa loob ng jeep kaya agad silang nagresponde.

Papatakas na ang mga suspect nang makipagpa­litan ng putok sa mga awto­ridad na naging sanhi ng ka­nilang kamatayan. (Angie dela Cruz)

Show comments