Japanese illegal recruiter timbog ng BI

Inaresto ng operatiba ng Bureau of Immigration ang isang Japanese illegal recruiter dahil sa pambibiktima nito sa mga Pinoy na nais na magtrabaho sa bansang Japan.

Kinilala ni BI Commissioner Alipio Fernandez Jr. ang Japanese illegal recruiter na si Masahiro Tajima, 45, na ngayon ay nakaditene sa Bicutan Immigration jail habang dinidinig ang deportation proceedings laban dito.

Si Tajima ay inaresto kamakailan matapos na ireklamo ito ng kapwa Hapones na si Tadaaki Fuijikawa, founder ng Philippine Shinnikkeo Kodomo Assistance Association Inc. na nakabase sa Davao City dahil sa umano’y ginagawa nitong pangongotong sa mga Pinoy na nais na magtrabaho sa Japan.

Pinangakuan umano ni Tajima ang kanyang mga biktima na bibigyan ng Japanese visa at trabahong mayroong katapat na malaking kita.

Nabatid na ginagamit ni Tajima ang nasabing asosasyon sa pambibiktima. (Grace dela Cruz)

Show comments