2 kompanya kinasuhan ni Manny Pacquiao

Sinampahan ni WBC Manny Pacquiao ng kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office ang dalawang private companies na gumamit sa kanya bilang endorser ng WOW Magic Sing microphone nang walang pahintulot mula sa kanya.

Kasong paglabag sa Section 169 at Section 170 ng Intellectual Property Code ang iniharap ni Pacquiao laban sa In-A-Jiffy Enterprises at sa G2K Corporation.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Pacquiao na noong Pebrero 2006, nadiskubre niyang nagpalabas ng advertisement sa ilang pahayagan ang mga respondents para sa kanilang WOW Magic Sing microphones kung saan ang kanyang CD album na "Para Sa ’Yo ang Laban na ’To" ay ipinamimigay nang libre sa sinumang bibili ng magic sing package.

Nakalagay sa advertisement ang mga katagang "Para Sa ’Yo… Libre ’To" at ipinakikita rin ang kanyang larawan na may hawak na gitara.

Ayon kay Pacman, ang disenyo ng advertisement ay nagpapakita na kanyang iniendorso ang nasabing produkto pero walang awtorisasyon mula sa kanya.

Sa pamamagitan ng kanyang abogado, inatasan ni Pacquiao ang dalawang kompanya na itigil na ang paggamit sa kanya bilang endorser ng WOW Magic Sing para sa anumang promotional gimmicks.

Hiniling din ni Pacquiao sa mga respondents na bawiin ang mga advertising materials na ipinamahagi nito kasabay nang pagbabayad ng P20-milyong danyos.

Ayon naman sa mga respondents, ang kanilang advertisement ay hindi pagpapakita na iniendorso ni Pacquiao ang nasabing produkto. (Doris Franche)

Show comments