Natalo sa boxing, nanaksak na lamang

Agad na nasawi ang isang masugid na fan ni boxing hero Manny "Pacman" Pacquiao nang pagsasaksakin ito ng kanyang naka-dwelo sa boxing makaraang mag-ala Pacman ng una at tinalo ang huli , kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Ang biktima na nagtamo ng maraming saksak sa katawan ay nakilalang si Ricky de Asen, ng Block 6, Lot 3, Phase 4, Package 4, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect na si George Domingo na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Nabatid na bago ang insidente ay masaya pang nag-iinuman ang biktima at suspect kasama ang ilang mga kaibigan ng mga ito.

Sa gitna ng kanilang pag-iinuman ay hindi naiwasan ng biktima na biruin ang suspect na labis namang ikinairita ng huli hanggang sa kapwa magdesisyon ang mga ito na mag-dwelo sa pamamagitan ng boxing.

Dahil sa ginagaya ang estilo ng kanyang idolo na si Pacquiao ay agad na napatumba ng biktima ang suspect at dahil sa labis na kahihiyan ng huli ay agad itong kumuha ng kutsilyo at saka pinagsasaksak na lamang ang biktima bago mabilis na tumakas.

Isang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban sa suspect. (Rose Tamayo Tesoro)

Show comments