Dalagita nagbaril dahil sa text

Nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang isang dalagita makaraang makatanggap umano ito ng text message buhat sa kanyang boyfriend, kahapon ng umaga sa Marikina City.

Hindi na umabot ng buhay sa St. Vincent Hospital sanhi ng isang tama ng kalibre .38 baril sa gitna ng dibdib ang biktimang si Jennelyn Torres, 16, estudyante, at residente ng #19 Paraluman St., Brgy. Parang ng lungsod na ito.

Ayon sa pulisya, may hawak ng kaso naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa nasabing lugar kung saan nakatira sa barracks ang biktima kasama ang security guard na tatay.

Napag-alaman sa imbestigasyon na namalengke ang ama nito na nakilalang si Virgilio Torres at iniwan sa loob ng barracks ang biktima at ang service firearms na kalibre .38 revolver.

Pagbalik ni Virgilio ay inabutan nito ang anak na nakahandusay sa kama at ng tingnan ay duguan at may tama ng baril sa gitnang dibdib.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman ang natanggap na text message ng biktima mula sa umano’y boyfriend nito kung kaya nagpakamatay gamit ang baril ng ama. Hindi pa malinaw kung ano ang tinanggap nitong text at wala ring iniwang anumang suicide note. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments