20 bahay tinalupan ng 'buhawi'

Humigit-kumulang sa 20 kabahayan ang ‘natalupan’ ng isang buhawi na dumaan sa lugar at ilan din naman ang nasugatan ng magsipanakbuhan, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Sa isang panayam kay Baby Mendoza, information officer ng Dept. of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City hall, ang mga sinalanta ng buhawi ay yaong nakatira sa Rook St., Production St. at Acuna St. sa Brgy. Sangandaan sa nabanggit na lungsod.

Idinagdag pa nito na natalupan at nawasak ang mga bubungan ng mga bahay sa lugar at maging mga dingding ay nalimas ng dumaang buhawi. Ilan sa mga residente ang nasugatan dahil sa sorpresang pag-atake ng buhawi.

Mabilis at ilang segundo lamang nanalanta ang buhawi sa naturang lugar. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments