Lola pisak sa truck

Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 72-anyos na lola matapos na mapipi at halos humiwalay na sa katawan ang kanyang ulo nang masagasaan ng isang 10-wheeler na trak ng gasolina, kahapon ng umaga sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang biktima na si Teodora Sekreto, ng #2517 Tejeron St. Sta. Ana ng nabanggit na lungsod.

Sumuko naman sa pulisya ang suspect na si Cesar dela Lara, driver ng Isuzu tanker na may plakang UPS-216.

Sa ulat ng WPD-Traffic Management Unit naganap ang trahedya dakong alas-10 ng umaga sa may panulukan ng Garido at Tejeron St., Sta. Ana, Maynila.

Ayon sa saksing si Rodolfo Teneda, tumatawid ang biktima sa naturang kalsada nang mahagip ng trak na minamaneho ni De Lara sanhi upang mapailalim ito at makaladkad.

Tuluyang nagulungan naman ng gulong sa likurang bahagi ng trak ang ulo ng biktima at napipi ito sanhi ng agaran nitong kamatayan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments