Boxer na utol ni Navarrette, dakip sa pag-umit ng deodorant

Dinakip ng pulisya makaraang magpuslit ng walong pirasong deodorant sa isang supermarket ang isang boksingero na kapatid ng dating sikat na boxer na si Rolando Navarette sa Parañaque City.

Nakilala ang dinakip na si Noli Navarette, 37, tubong General Santos City at kasalukuyang naninirahan sa 644 Paquita St., Sampaloc, Maynila na dating miyembro ng Philippine Professional Boxing Association, 12 Rounder.

Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Anthony Alising, ng Police Community Precinct 1 ng Parañaque Police naganap ang pagdakip kay Navarette dakong alas-7 kamakalawa ng gabi sa YDM Supermarket na nasa panulukan ng Quirino Avenue at Dimasalang St., Barangay Baclaran.

Nabatid na habang umiikot ang security personnel sa naturang supermarket, nahuli nila sa akto si Navarette na nagpupuslit ng walong pirasong deodorant na may kabuuang halaga na P1,176.00.

Mabilis na dinakip ng mga guwardiya ang naturang suspect at dinala sa himpilan ng pulisya.

Ayon sa suspect kaya umano niya nagawa ang ganoon ay dahil sa matinding kahirapan na kanilang dinadanas. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments