Taxi driver binoga sa pagitan ng dalawang mata

Isang taxi driver na pinaniniwalaang nanlaban sa mga holdaper ang binaril sa pagitan ng dalawang mata nito saka ipinosas at inilagay sa compartment ng taxi nito kahapon ng umaga sa Port Area, Manila.

Ang biktima ay nakilalang si Jaime Escote, 56-anyos, may-asawa at nakatira sa Blg. 11 Unit 27 Temporary Housing, Tondo.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-6 ng umaga ng matagpuan ang abandonadong Nelet taxi na may palang XEM-950 sa tapat na amalgamated company sa Port Area.

Nang siyasatin ng pulisya ay natuklasan ang biktima na nasa compartment ng kotse, nakaposas ang magkabilang kamay at may 1 tama ng bala sa pagitan ng 2 mata nito.

Sinabi naman ni Arnel Vergara, may-ari ng taxi, inilabas ng biktima ang taxi nito bandang alas-6 kamakalawa ng gabi at dapat gumarahe ito ng alas-6 ng umaga hanggang sa mabilataan nito ang nangyari sa kanyang tsuper.

Wika pa ni Vergara, mabait at masipag ang biktima sa pamamasada dahil nais nitong bigyan ng magandang pasko ang kanyang pamilya.

May hinala naman ang pulisya na posibleng nanlaban ang biktima sa mga holdaper kaya napilitan itong barilin saka ilagay sa compartment ng kotse na nakaposas ang mga kamay. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments