Tracker teams itatatag sa Metro Manila

Dahil sa lumalalang krimen sa metropolis, ipinag-utos kahapon ni Metro Manila police chief Deputy Director General Reynaldo Velasco ang pagbuo ng "Tracker Teams" na siyang tutugis sa mga organized crimes tulad ng kidnap-for-ransom, bank at payroll robberies.

Ayon kay Velasco, marapat lamang na ang limang police districts sa Metro Manila ay magkaroon ng "Tracker Teams", na ang magiging mga miyembro ay magko-concentrate lamang sa pagtugis at paglaban sa mga organized crime syndicates.

Ang aksyon ay ginawa ni Velasco matapos na matanggap ang statistic data na dito, lumalabas na ang crime rate sa Metro Manila sa unang anim na buwan ng taong kasalukuyan ay tumaas ng may 21 porsiyento kumpara sa ganoon ding period ng nakalipas na taon.

Magugunitang kamakailan ay sinabi ng pulisya na may kinalaman sa economic situation sa bansa ang pagtaas ng crime rate sa Metro Manila.

Sa kanyang direktiba sa limang police district directors, sinabi ni Velasco na kailangan ding alamin ng "Tracker Teams" ang mga crime prone areas sa kanilang mga nasasakupan, kilalanin kung anong uri ng krimen ang nagaganap, maging ang araw at oras at iba pang mahalagang data ng maganap ang krimen.

Dahil dito, umaasa si Velasco na sa pagpapatupad ng "Tracker Teams" unti-unti ng mababawasan ang krimen sa metropolis. (Ulat ni Non Alquitran)

Show comments