P5-M suhol para patakasin si Marohombsar

Limang milyong piso umano ang isinuhol ng Pentagon kidnap-for-ransom group sa mga guwardiya ng National Anti- Kidnapping Task Force (NAKTAF) para makatakas ang kanilang pinuno na si Faisal Marahombsar.

Ayon sa isang source buhat sa pulisya, isang hindi nakikilalang financier ng grupo ng Pentagon ang nagsaayos sa paghanap ng kontak sa loob ng NAKTAF para ayusin ang pagtakas ni Marohombsar at dalawa pa nitong galamay na sina Ronald Patinio at Abdul Macaumpong.

Isang kontak sa loob ng NAKTAF ang unang kinausap ng naturang financier subalit tumanggi ito. Samantalang nagtagumpay naman ang financier sa pangalawa niyang kausap na pumayag sa transaksyon.

Binigyan pa umano ng escort si Marohombsar palabas ng NAKTAF detention cell sa loob ng Camp Crame at binigyan pa ng sasakyan palabas.

Hindi naman matiyak kung kasama rin sa naturang halaga ang pagtakas ng mga miyembro ng grupo ni Marohombsar sa airport para makabalik ang mga ito sa Davao.

Kasalukuyang nasa proseso pa umano ng pagtukoy sa mga tauhan ng NAKTAF ang mga imbestigador na tumanggap ng lagay at pagkilala sa naturang financier.

Tinanggap din ng pulisya ang hiwalay na imbestigasyon na ipinanawagan ni Senador Aquilino Pimentel Jr. na isasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).

Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon na isinasagawa ng pamunuan ng PNP upang matiyak ang katotohanan sa naturang lumabas na ganitong uri ng balita. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments