Pa-US na lola hinabol hanggang NAIA ng pinagkautangan

Di hinayaan ng isang lola na takasan siya ng isa ring lola na may pagkakautang sa kanya ng habulin umano ng una ang huli hanggang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at pigilang makapuslit ng bansa ang kanyang kaaway na idinemanda niya ng estafa.

Nabigong makasakay sa Northwest Airlines flight NW-026 patungong Estados Unidos si Carmen Santico, 52, ng Fairview, Quezon City matapos pigilan ng mga awtoridad sa NAIA terminal 1 bunsod ng ipinakitang warrant of arrest ng nagrereklamong si Dolores Leonardo, 56, ng Bulacan na inisyu ni Judge Cesar Untalan, ng Metropolitan Trial Court branch 38 ng QC laban kay Santico.

Sinasabing may utang umano si Santico ng P1.2M, ayon sa report. Nang mabalitaan ni Leonardo na patungong US si Santico ay sumugod umano ito sa NAIA at ipinagbigay-alam sa mga airport authorities.

Si Santico ay dinala sa sala ni Untalan para isuko. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments