Problemado lumundag mula overpass, lumagapak sa bus

Isang lalaking problemado sa buhay ang tinangkang magpakamatay makaraang tumalon ito mula sa overpass at mahulog sa ibabaw ng dumadaang bus hanggang sa magkabali-bali ang buto, kahapon ng umaga sa Commonwealth Ave., Quezon City.

Suwerteng hindi natuluyan pero nasa kritikal na kalagayan ngayon sa East Avenue Medical Center si Eduardo Velasco, 32-35 anyos at nakatira sa Cabral st., Mabini, Manila.

Sa ulat ng CPD-Station 6, bandang alas-7:15 ng umaga nang tumalon ang biktima mula sa overpass pero pinalad na bumagsak lamang ito sa bubungan ng dumaraang bus sa tapat ng Philcoa sa halip na lumagapak sa kalye.

Nagkabali-bali ang buto nito bunga ng insidente kaya kaagad itong itinakbo ng mga concerned citizen sa naturang pagamutan. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments