Benepisyo ng health workers na nagka-COVID, ibigay na!
6-araw ultimatum ni Duterte
MANILA, Philippines — Nagbigay na ng deadline si Pangulong Rodrigo Duterte ng hanggang Martes (June 9) o anim na araw upang maibigay ang benepisyo ng mga health workers na nagkasakit o namatay sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakarating na sa kaalaman ng Pangulo na hindi pa naibibigay ang benepisyo na itinakda sa “Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act 11469”.
“Hanggang Martes lang po ang binigay ng Presidente para sa mga kinauukulan na ibigay ang compensation sa mga health workers na nagkasakit ng COVID-19 in the line of duty at sa mga pamilyang naiwan ng mga namatay,” ani Roque sa press briefing na isinagawa sa Davao City.
Nakasaad sa batas na dapat makatanggap ng P100,000 ang isang health worker na nagkasakit dahil sa kanyang kritikal na trabaho sa pag-aalaga ng mga COVID-19 patients habang P1 milyon ang makukuha ng pamilya ng health worker na nasawi dahil din sa pagtupad sa tungkulin.
Nauna rito, dismayado ang ilang senador sa pagdinig ng Senado nang malamang wala ni isa mang health worker na apektado ng COVID-19 ang nakatanggap ng sickness at death benefits na nakasaad sa RA 11469 dahil sa kawalan ng IRR (implementing rules and regulations).
Nanawagan na rin si Senate Committee on Health and Demography Chairman Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga ahensya ng gobyerno na ibigay na ang tamang kompensasyon sa pamilya ng 32 health workers na namatay dahil sa COVID-19.
- Latest