Ang ‘force majeure’ ni Robin
Naging tampulan ng batikos si Sen. Robin Padilla matapos niyang sabihin na ang giyera sa Middle East, pati na ang mga kalamidad gaya ng La Niña (malalakas na ulan at pagbaha) at El Niño (matinding init at tagtuyot), maging ang alitan ng China at Taiwan ay maituturing na “force majeure.” Para kay Padilla, ito raw ay mga pangyayaring hindi kontrolado ng tao kaya dapat magkaroon ng online participation sa mga sesyon ng Senado. Ngunit sa halip na maunawaan, inulan siya ng matinding batikos.
Ano ba ang “Force Majeure”? Ito ang mga pangyayaring hindi kayang pigilan ng tao, gaya ng lindol o bagyo. Ang giyera ay gawa ng tao. Ang El Niño at La Niña ay predictable. Hindi ito basta “aksidente” o “acts of God.” May babala na bago ito dumating, kaya dapat pinaghahandaan, hindi tinatawag na “force majeure.”
Iginiit ng mga eksperto sa batas na maling paggamit ng termino ang ginawa ni Padilla. Ang giyera ay may malinaw na dahilan — politika, pera, at kapangyarihan. Hindi ito parang bagyo na bigla na lang dumarating.
Binatikos din ng mga ekonomista ang pananaw dahil tila binabalewala ang epekto ng giyera sa presyo ng langis, pagkain, at ekonomiya. Hindi ito “force majeure” kundi seryosong usaping pang-ekonomiya.
Sa social media, marami ang nagsabing tila “pampatawa” ang pahayag ng senador. Ang iba’y nagbiro pa na baka pati trapik sa EDSA ay tawagin na rin niyang “force majeure.”
Ang sinabi ni Padilla ay nagpapakita ng kakulangan sa tamang paggamit ng mga teknikal na salita. Sa halip na makatulong, nagdudulot ito ng kalituhan. Nasira na ang kredibidad ng Senado at lalo pang mawawasak dahil sa mga ganitong “palusot” na halata namang gusto lang ipilit ang virtual attendance sa Senate.
- Latest

















