Sanya, nagpapaka-misis na sa kanyang foreigner bf!

Masaya si Sanya Lopez sa kanyang buhay pag-ibig ngayon.
Sa Boracay umano nagkakilala ang magkasintahan sa tulong ng isang kaibigan. “Noong time na ‘yon masakit talaga ‘yung likod ko. Nagkaroon kasi ako ng problem sa likod. Noong time na ‘yon mayroon kaming common friend kung bakit kami nagkakilala,” nakangiting pahayag ni Sanya sa Chika Cart.
Mula noon ay naging masugid na raw ang binata sa panliligaw sa Kapuso actress. May bulung-bulungan na isang banyaga ang nobyo ngayon ni Sanya. “Pumupunta na siya sa bahay ko, everyday kung kaya at wala akong trabaho. Pinupuntahan niya ako tapos mayroon siya laging flowers, ganyan,” dagdag ng dalaga.
Sinisikap daw ng magkasintahan na maging pribado lamang ang kanilang relasyon. Hanggang maaari ay ayaw nang magbahagi ni Sanya sa publiko ng mga detalye tungkol sa kanilang ugnayan ng nobyo. “Naniniwala kasi ako sa evil eye. Kapag may nalaman ‘yung ibang tao minsan nauudlot. Kaya sa projects ko o kahit saan, laging may gano’n kaya ayaw ko na mangyari. Meron naman pero hindi sa social media. ‘Pag makita kami sa labas, hindi ko naman siya itatanggi. Maraming nagta-tag sa akin na nakikita kami. Usually, sa ibang bansa. Minsan hindi maiaalis, nakikita pa rin sa mga picture, iko-connect na nilang lahat,” paglalahad ng Kapuso actress.
Sa ngayon ay wala na raw ibang mahihiling pa si Sanya pagdating sa kanyang buhay pag-ibig. Magkasundung-magkasundo ang magkasintahan sa halos lahat ng bagay. “Importante naman talaga sa relasyon dapat lagi kayong masaya. Tapos kapag may pagkukulang, dapat lagi n’yong pupunan ‘yung pagkukulang na ‘yon na magkasama,” giit niya.
Tatlumpung taong gulang na ngayon si Sanya at nakikita na umano ng dalaga na ang nobyo ang kanyang makakasama sa habambuhay. Noong Pebrero ay napabalitang binigyan ng isang mystery guy ng promise ring ang Kapuso actress. Kahit wala pang isang taon ang relasyon ng magkasintahan ay nararamdaman na ni Sanya ang pagiging asawa sa kanyang future husband. “Ini-spoil niya ako. Ini-spoil ko rin siya. Siyempre kung ano ‘yung deserve din niya. Hindi naman dahil lang sa mga bagay na binibigay niya sa ‘yo. Gano’n din ako, sweet din ako, pagluluto ko siya. ‘Yung mga bagay na kaya ko bilang babae, kung kami man. As wife na rin sa kanya. Lahat naman tayo pupunta na rin do’n dapat gano’n din ‘yung babae. Siyempre, hinahanap ng lalaki ‘yung parang wife material ka,” makahulugang pahayag ni Sanya.
(Reports from JCC)
- Latest

























