Paano mapatutunayang may labor-only contracting?
Dear Attorney,
Paano po namin mapatutunayan na labor-only contracting ang aming sitwasyon, gayong halos walong taon na po kami sa ilalim ng isang agency? Mayroon po kaming mga ID na nagpapakita ng aming start date, pati na ang record ng kanilang unang SSS at Pag-IBIG contributions hanggang sa kasalukuyan. Ang supervisor at manager din po ng kompanya ang nag-uutos sa amin pagdating sa trabaho sa loob nito. Ang agency namin ay nagbabayad lamang ng aming sahod, ngunit hindi naman sila ang may-ari ng mga makinaryang ginagamit sa kompanya. Malakas ba ang aming kaso kung ituloy ito sa NLRC? — Fidel
Dear Fidel,
Sa ilalim ng Article 106 ng Labor Code at ng DOLE Department Order No. 174, Series of 2017, may labor-only contracting kapag ang contractor o agency ay walang sapat na kapital o pamumuhunan sa mga kagamitan at ang mga empleyado nito ay ang siyang gumagawa ng mga gawaing direktang kaugnay ng pangunahing negosyo ng prinsipal. Dagdag pa rito, kahit na may sapat na kapital pa ang agency, kung ang prinsipal naman ang siyang kumokontrol sa paraan at paggawa ng trabaho ng mga manggagawa, masasabing may labor-only contracting pa rin.
Mahalagang malaman na sa ganitong mga kaso, may presumption o ipinagpapalagay kaagad sa ilalim ng batas na ang contractor ay isang labor-only contractor maliban na lang kung mapapatunayan ng agency o ng employer ang kabaligtaran. Sa madaling sabi, hindi kayo at sa halip ay ang agency at ang kompanya ang siyang dapat magpatunay na lehitimo ang kanilang arrangement ukol sa employment ninyo.
Kaya kung sakaling magsampa kayo ng reklamo ukol sa pagiging labor-only contractor ng inyong agency at hindi maipakita ng inyong agency na mayroon itong sapat na kapital, sariling kagamitan, at tunay na kontrol sa inyong trabaho, maituturing ang agency bilang isang ahente lamang ng kumpanya at kayo ay mga empleyado ng kumpanya mismo, at hindi ng agency.
Pero kahit hindi naman kayo ang dapat magpatunay na labor-only contractor nga ang inyong agency, maganda rin na may sarili kayong hawak na mga ebidensiya para rito upang mas lumakas pa ang inyong kaso. Ang mga dokumentong hawak ninyo katulad ng IDs, at ang inyong mga SSS at Pag-IBIG records ay makakatulong nang malaki kung magsasampa kayo ng reklamo.
Ayon din sa iyo, ang supervisor at manager mismo ng kumpanya ang nag-uutos sa inyo pagdating sa inyong trabaho, kaya maipapayo ko na ipunin n’yo rin ang anumang nagpapakita ng kontrol ng kompanya sa inyong trabaho, tulad ng mga memo, schedule, o utos na galing sa kanilang supervisor o manager, at maging ang mga larawan ng makinaryang inyong ginagamit na pag-aari ng kompanya.
Sa palagay ko, may sapat kayong basehan para magreklamo kaya mainam kung magsasampa talaga kayo ng kaso ukol sa pagiging labor-only contractor ng inyong agency upang maprotektahan ang inyong mga karapatan bilang mga empleyado.
- Latest















