Habagat humagupit uli!

MANILA, Philippines — Muling pinalubog ng Habagat o Southwest Moonson ang Luzon matapos na maitala ang malalaking pagbaha sa Metro Manila at ilang lalawigan nitong Sabado ng umaga.
Sa Metro Manila, kabilang sa mga lugar na nagmistulang “swimming pool” ay R. Papa sa Maynila; Sto. Domingo, NS. Amoranto, Don Jose Sts. sa Quezon City; Brgy. Maysilo at Brgy. Paghulo sa Malabon; Brgy. Bagbaguin, Valenzuela City at Gen. Luis, North Caloocan.
Batay naman sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, apektado rin ang buong lalawigan ng Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales at Cavite. Kasama rin ang Dagupan City, Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon at Mangatarem sa Pangasinan, gayundin ang Rodriguez o Montalban sa Rizal.
Nabatid na sa Zambales, nasa 719 residente na ang nasa evacuation centers dahil sa malawakang pagbaha sa mga mabababang lugar sa Cabagan, Zambales. Kalahati sa bilang ng mga evacuees ay mula sa Barangay Mabanglit, kung saan 180 na pamilya o 518 na indibidwal ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.
Naghahanda ang mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga sa posibilidad ng paglala ng pagbaha dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat at pagtaas ng tubig-dagat. Sa Bulacan, anim na bayan ang nananatiling binabaha, kabilang ang Hagonoy, Calumpit, Balagtas, at Paombong, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Nagbabala ang mga awtoridad na maaaring lumawak pa ang pagbaha habang nagpapatuloy ang Habagat at epekto ng high tide sa mga apektadong lugar.
State of calamity
Samantala, umabot na sa 117 lugar sa Luzon ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng Bagyong Luis, Maymay, Neneng at Southwest Monsoon o Habagat.
Nagdeklara rin ng state of calamity ang Nasugbu, Batangas, at Sablayan, Paluan at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro.
Tinatayang nasa 8 milyong indibidwal o 2.3 milyong pamilya ang naapektuhan, habang 32 ang naitalang nasawi.
Nasa 3,000 kabahayan na ang nasira, habang umabot sa P6.11 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P2.32 bilyon naman sa agrikultura.
- Latest


















