^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Patunayan ang mga sinabi sa SONA

Pilipino Star Ngayon

MALAKAS ang naging pambungad ni Pre­sident Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahapon: hindi raw siya pangulo ng kanyang pamilya, hindi pangulo ng kanyang kaibigan, kundi pangulo ng Pilipinas.

Magandang linya iyon. Matapang pakinggan. Lalo na’t sinabi ito kasabay ng usapin ng flood-control scandal at ng nakatakdang pagsasampa umano ng kaso laban sa kanyang pinsang si dating House Speaker Martin Romualdez.

Pero sa gobyerno, hindi sapat ang magandang linya. Kailangang may kasunod na gawa.

Kung tunay na walang pamilya, kaibigan, o kaalyado ang sasantuhin, dapat makita ito sa mga kasong isasampa, sa ebidensiyang ila­la­bas, sa perang mababawi, at sa opisyal na ma­­­nanagot. Hindi sapat na sabihing nasuri na ang mga proyekto ng DPWH. Kailangang malaman­ ng publiko kung sino ang pumirma, sino ang kumita, sino ang nagpabaya, at sino ang haha­rap sa korte.

Matagal nang pagod ang taumbayan sa im­bestigasyong malakas sa simula pero tahimik sa dulo. Sa korapsiyon, ang sukatan ay hindi galit sa podium. Ang sukatan ay kaso, hatol, at pagbabagong hindi na ito mauulit.

Mahalaga rin ang sinabi ng Pangulo tungkol sa electric bills. Tama siyang sabihin na hindi kasalanan ng konsyumer ang system loss, kaya hindi ito dapat basta ipasa sa bill. Kung seryoso ang administrasyon dito, dapat mabilis itong itu­lak sa Kongreso at bantayan hanggang maging­ batas. Hindi sapat ang relief kung pansamantala lang. Ang kailangan ay tunay na bawas sa pa­saning buwan-buwan ay binabayaran ng pamilya.

Binanggit din ang tax relief para sa middle class at maliliit na negosyo, health programs gaya ng zero-balance billing, YAKAP at GAMOT, teacher promotions, energy projects, railways, disaster response, at tulong sa agrikultura. Ma­gaganda ang pakinggan ng mga ito. Pero tulad ng lahat ng pangako sa SONA, ang tanong ay kung kailan at paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino.

Sa West Philippine Sea, tumatak ang paha­yag na “we do not yield.” Dapat ganoon din ang tindig hindi lamang sa harap ng China, kundi sa harap ng korapsiyon, mahal na bilihin, at sis­te­mang nagpapabigat sa mamamayan. Hindi puwedeng matapang lang sa salita. Kailangang matatag sa aksiyon.

Kung Pangulo siya ng Pilipinas, hindi ng pamilya o kaibigan, dapat patunayan ito sa susunod na mga buwan: sa korte, sa bill ng kur­yente, sa presyo ng bilihin, sa serbisyo publiko, at sa araw-araw na buhay ng Pilipino.

Maganda ang mga sinabi ng Pangulo. Nga­yon, dapat niya itong patunayan.

SONA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with