EDITORYAL— Repasuhin ang Oil Deregulation Law
TATLONG dekada na ang Oil Deregulation Law. Nang ipasa ito noong 1998, ang pangako ay mas malayang kompetisyon sa oil industry at mas magandang presyo para sa publiko. Pero sa karanasan ng karaniwang Pilipino, may isang tanong na paulit-ulit na bumabalik: bakit kapag taas-presyo, mabilis; pero kapag rollback, mabagal at maliit?
Kaya tama lamang na repasuhin na ang batas. Iba na ang mundo ngayon. Ang presyo ng langis ay madaling tamaan ng giyera, tensiyon sa Middle East, problema sa shipping routes, palitan ng piso at dolyar, at galaw ng pandaigdigang merkado. Kapag gumalaw ang langis, hindi lang motorista ang apektado. Sumusunod ang pamasahe, presyo ng pagkain, gastos ng magsasaka, operasyon ng negosyo, at araw-araw na budget ng pamilya.
Maganda ang panukala ng Department of Energy na magkaroon ng national fuel reserve na katumbas ng 60 araw na supply. Makakatulong din ang pagtaas ng minimum inventory requirement ng oil companies mula 15 sa 30 araw. Kung may sapat na reserba, hindi agad nagpapanik ang bansa tuwing may krisis. Pero hindi sapat ang reserbang langis kung walang reserbang proteksyon ang mamamayan.
Ang mas malaking problema ay transparency at accountability. Kung may hinalang hoarding, dapat may malinaw na kapangyarihan ang DOE na kumilos agad. Hindi dapat kailangan pang umikot sa iba’t ibang ahensya bago mapigilan ang mga abusong nagpapalala ng kakulangan at nagpapataas ng presyo. Kung may oil company na nagtatago ng supply, nagsasara kahit may stock, o hindi sumusunod sa inventory requirement, dapat may mabigat na parusa.
Dapat ding seryosohin ang unbundling ng fuel prices. Karapatan ng publiko na malaman kung paano nabubuo ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene. Magkano ang epekto ng imported cost? Magkano ang buwis? Magkano ang freight, insurance, storage, marketing, at kita? Hindi sapat na sabihing “global market” ang dahilan sa bawat taas-presyo kung hindi malinaw ang computation.
Hindi nangangahulugan na kailangan agad ibalik ang full price control. Pero mali rin ang ideya na kapag deregulated, halos wala nang papel ang gobyerno. Ang merkado ay dapat malaya, pero hindi dapat bulag. Ang negosyo ay dapat kumita, pero hindi sa paraang laging talo ang consumer.
Sa huli, ang langis ay hindi ordinaryong produkto. Kapag tumaas ang presyo nito, buong ekonomiya ang tinatamaan. Kaya ang batas na namamahala rito ay hindi puwedeng manatiling luma at mahina. Panahon na para sa oil deregulation na may tunay na bantay, hindi para pigilan ang merkado, kundi para siguraduhing hindi laging mamamayan ang nagbabayad ng presyo ng kawalan ng proteksiyon.
- Latest















