House prosecutors, humirit ng 62 trial days; defense team ni VP Sara 30 araw lang
MANILA, Philippines — Animnapu’t dalawang araw ang hinihirit ng House prosecution panel sa Senate impeachment court para sa presentasyon ng mga ebidensya at testigo habang ang defense team ni Vice President Sara Duterte ay 30 araw ang nais kaugnay nang pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6.
Ito ang inihayag ni House legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na nakabatay ang kahilingan base bilang ng mga testigo at ebidensya na minarkahan na sa pre-trial brief.
Nilinaw naman ni Tolosa na hindi nangangahulugang aabot ng 62 araw ang paglilitis dahil maaaring paikliin ito kung papayagan ng korte ang pagdinig nang higit sa isang saksi kada araw.
Isiniwalat pa ni Tolosa na nadagdagan pa ang testigo ng prosecution panel na mula 57 ay naging 97 na ang testigo na tinukoy ng prosecution sa kabila ng ang nais ng defense team ay sa loob ng 30 araw lamang isagawa ang paglilitis.
Tinukoy nito na kabilang sa mga testigo ng defense panel ay mula sa tanggapan ng Office of the Vice President (OVP) at ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Inilahad pa ni Tolosa na sa Senate Impeachment Court na nakasalalay kung ilang araw ang magiging kabuuang araw sa impeachment trial laban sa Bise Presidente.
- Latest















