Italy bibida sa mga foreign teams sa VNL
MANILA, Philippines — Mga kampeon at medalists sa international tournaments ang mga teams na kasali sa Philippine leg ng Women’s Volleyball Nations League (VNL) na magsisimula ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig.
Nasa bansa na ang World No. 1 at reigning VNL champion Italy para pangunahan ang mga foreign teams na kasali sa annual international competition ng volleyball at sa pagbabalik ng world governing body FIVB sa Pilipinas.
Kasali ang VNL silver medalist noong 2024, sa Philippine leg na suportado ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Eentra ang Japan sa Philippine Leg na bitbit ang 4-0 win-loss record habang ang Italy, three-time champion US at world No. 13 Czechia ay dala ang tig 3-1 karta.
Sinandalan ng Japan sina skipper Mayu Ishikawa, Yoshino Sato at Yukiko Wada, pinulbos nila ang France, Ukraine, Germany at Canada.
Ipaparada ng Italy sina Ekaterina Antropova, Merit Adigwe at Loveth Omoruyi, kinalos nila ang Bulgaria, Netherlands at Turkiye bago lumuhod sa Brazil.
May isang panalo naman ang No. 9 Serbia sa apat na salang habang ang 12th-ranked Dominican Republic ay hindi pa nakakatikim ng panalo.
Haharapin ng world No. 7 USA ang Dominican Republic sa alas-12 ng tanghali sunod ang bakbakan sa pagitan ng Czechia at Italy sa alas-4 ng hapon, magbabanatan naman ang Japan at Serbia sa alas 8 ng gabi.
Bawat teams ang may 12 laro sa group stage, sasampa sa finals sa Macau ang top eight.
Tatlo ang representatives ng Asia sa 18-nation field, ang iba ay ang World No. 6 China na may 3-1 record at No. 24 Thailand na wala pang panalo sa apat na salang.
Pagkakataon ng Philippine fans na makapanood ng Women’s VNL live sa unang pagkakataon makalipas ang apat na taon.
- Latest
















