Eala vs Hon sa Birmingham Open 1st round

MANILA, Philippines — Sisimulan ni Alex Eala ang kampanya nito laban kay Australian Priscilla Hon sa 2026 Birmingham Open first round sa Edgbaston Priory Club sa Birmingham, United Kingdom.
Nakatakda ang laro nina Eala at Hon sa Martes sa naturang WTA 125 event.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magtatagpo sina Eala at Hon kung saan may 1-1 head-to-head ang dalawa.
Nanalo si Hong sa kanilang unang paghaharap noong 2023 sa qualifying round ng Roehampton event sa England bago makaresbak si Eala noong 2024 sa qualifying round ng Ningbo event sa China.
Kasalukuyang nasa No. 135 si Hon sa WTA rankings.
Pinakamataas na naabot nito ang No. 94.
Noong 2025, umabot si Hon sa third round ng US Open habang nakarating naman ito sa second round ng 2026 Australian Open.
Sasabak din si Eala sa doubles kasama si Nikola Bartunkova ng Czech Republic.
Mapapalaban agad sina Eala at Bartunkova dahil sasagupain ng dalawa sina second seeds Harriet Dart at Maia Lumsden ng England sa first round ngayong alas-5:30 ng Lunes (oras sa Maynila).
Makakapares ni Eala si dating world No. 1 Venus Williams sa doubles event ng Bad Homburg Open na gaganapin sa Hunyo 21 hanggang 27 sa Germany.
Ibinahagi ng Tennis Channel sa isa sa kanilang programa ang pagtatambal nina Eala at Williams kung saan nabigyan ang dalawa ng wild card entry sa doubles event.
Nauna nang binigyan ng wild card entry sa singles sina Eala at Williams kasama si Eva Lys ng Germany.
Kaya naman excited na ang lahat para kay Eala na makakasama sa unang pagkakataon si Williams na isa sa mga legendary tennis players sa mundo.
Nauna nang nagharap sa doubles sina Eala at Williams sa ASB Classic sa Auckland, New Zealand noong Enero.
Kapares ni Eala si American netter Iva Jovic kung saan tinalo nila sina Williams at Elina Svitolina ng Ukraine sa first round sa iskor na 7-6 (7), 6-1.
- Latest




















