Eala seeded sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon, magiging seeded player si Alex Eala sa isang Grand Slam event — ang kanyang paboritong Wimbledon.
Base sa inilabas na provisional list, seeded 29th si Eala sa Wimbledon dahil sa magandang puwesto nito sa WTA rankings.
Kasalukuyan itong No. 30 sa official list ng WTA base sa bagong listahan na inilabas noong Lunes.
Top seed si Aryna Sabalenka kasunod sina Elena Rybakina, Iga Swiatek, Jessica Pegula, Mirra Andreeva, Amanda Anisimova, Coco Gauff, Elina Svitolina, Karolina Muchova at Belinda Bencic.
Wala sa listahan sina Victoria Mboko at Hailey Baptiste na parehong nagpapagaling sa injury.
Maagang nasibak si Eala sa Bad Homburg Open na ginaganap sa Germany.
Lumasap ito ng 3-6, 3-6 kabiguan sa kamay ni Elise Mertens ng Belgium sa opening round.
Para sa ilang netizens, mabuti na rin ito para kay Eala upang magkaroon ito ng sapat na pahinga bago sumalang sa Wimbledon na papalo na sa susunod na linggo sa London, England.
Ngunit lalaro pa si Eala sa doubles kasama si dating Grand Slam champion Venus Williams ng Amerika.
Hindi gaya sa singles, mas magaan ang doubles game.
Kaya’t magandang pagkakataon pa rin ito bilang training game para mas lalo pang makundisyon ang katawan nito bago ang Wimbledon.
Nakatakdang harapin nina Eala at Williams sa opening round ng Bad Homburg Open doubles sina Alexandra Osborne ng Australia at Catherine Harrison ng Amerika sa alas-10 ng Miyerkules ng gabi (oras sa Maynila).
Matapos ang kampanya nito sa Bad Homburg Open, agad na tutulak si Eala sa London para paghandaan naman ang Wimbledon.
Sa Wimbledon, makakasama ni Eala sa doubles si Nikola Bartunkova ng Czech Republic.
Si Bartunkova ang tinalo ni Eala sa finals ng Birmingham Open para makuha ng Pinay netter ang kanyang unang korona sa season na ito.
- Latest

















