VP Sara sasabit sa election offense
2022 campaign donation mula sa Pharmally-linked Chinese
MANILA, Philippines — Patung-patong na isyu ang kinakaharap at posibleng sumabit din sa “election offense“ si Vice President Sara Duterte kapag napatunayan ang alegasyon na ang 2022 national campaign nito ay pinondohan ng mga Chinese nationals na sangkot sa anomalya sa kontrobersyal na Pharmally.
Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability Chairperson Rep. Joel Chua, ang nasabing usapin ay isang seryosong alalahanin dahil sa ilalim ng Section 81 ng Omnibus Election Code ay ipinagbabawal sa mga dayuhan ang mag-donasyon sa campaign fund ng kandidato sa eleksiyon.
Sakaling may katotohanan ang alegasyon, sinabi ni Chua na nakagawa ng culpable violation sa Konstitusyon si VP Duterte lalo na at nanumpa ito sa Comelec. Isa umano itong grounds sa impeachment ng mga matataas na opisyal sa gobyerno tulad ni VP Duterte.
Ani Chua, nakasaad sa Section 96 na bawal sa batas at sinumang partido pulitikal na mag-solicit o tumanggap ng kontribusyon direkta man o hindi.
“Ang nakikita ko rito ay posibleng election offense, dahil may distribution na naganap. Kailangan nating alamin kung ang mga sangkot ay Chinese citizens. Kung sila ay foreign nationals at hindi Pilipino, malinaw na may paglabag sa election code,” ani Chua.
Sa naging pagtestigo ng self-confessed bagman ni VP Sara na si Ramil Madriaga sa kaniyang supplemental affidavit ay ibinuking nito na tumanggap siya ng milyong halaga mula sa Pharmally financial officer na si Lin Weixiong at negosyanteng si Maestrado Lim na mas kilala bilang si Tony Yang na kapatid ni Michael Yang na donasyon umano para sa kampanya ni VP Duterte noong 2022 national elections.
Inihayag ni Chua na lantad naman umano na sina Lim at Yang ay mga kilalang kaalyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte kung saan si Yang ay nagsilbing economic adviser. Ang mga ito ay kabilang din sa mga indibidwal na sangkot sa illegal na operasyon ng POGOs.
“Ang tanong diyan—nasa SOCE (Statements of Contributions on Expenditures) ba iyan? Kung tumanggap ka ng ganoong kalaking halaga, dapat malinaw at tumpak ang deklarasyon. Duda ako kung may P175 million mula sa Pharmally na naka-entry sa kanyang SOCE. Iyan ang kailangang linawin,” sabi pa ng solon.
- Latest





















