Lacson: ‘Resibo’ sa Taguig flood projects nasa Ombudsman na

MANILA, Philippines — Isinumite ni Sen. Panfilo Lacson nitong Martes sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensyang nakalap hinggil sa mga kuwestiyonableng proyektong pang-imprastraktura sa Taguig City.
Ayon kay Lacson, maaaring magsilbing batayan ang mga ebidensyang ito para sa pagsasampa ng kasong plunder, malversation, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga responsable.
“This morning, we turned over to the Office of the Ombudsman for their further evaluation and ‘motu proprio’ investigation all the documentary and testimonial evidence… official records culled from government websites, while others were supplied by reliable sources,” ani Lacson sa kanyang post sa X.
Dagdag pa niya, “We are looking at cases of plunder, malversation, violations of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), etc.”
Binanggit ni Lacson na naiiba ang mga iregularidad sa Taguig kumpara sa mga flood control projects na una nilang naidokumento sa Bulacan. Aniya, ginamitan umano ng kombinasyon ng “old and new tricks” ang mga proyektong ito, kabilang ang illegal reclamation na ipinasa bilang slope protection structures; Ghost projects; Double appropriations at paggamit ng recycled photos mula sa nakaraang kontrata upang makasingil para sa mga bagong proyekto. Lahat umano ng ito ay kontrolado ng iisang tao mula pa noong 2019.
Ayon kay Lacson, mula 2020 hanggang 2025 ay umabot na sa P14.4 bilyon ang halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig.
Tiniyak ng senador na magpapatuloy silang magsumite ng karagdagang ebidensya sa Ombudsman. Iginiit din niya na naging prayoridad ang pagbusisi sa mga anomalya sa Taguig matapos kuwestyunin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kanyang integridad, isang prinsipyong aniya’y minana niya sa kanyang mga magulang.
- Latest


















