VP Sara ilalantad si ‘Mary Grace Piattos’ sa impeachment trial

MANILA, Philippines — Tiniyak ng legal team ni Vice President Sara Duterte na ibubunyag nila ang tunay na pagkatao ng kontrobersiyal na si ‘Mary Grace Piattos,’ sakaling tuluyan nang gumulong ang impeachment trial sa Senado laban sa Bise Presidente.
Sa isang media interview, sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team ni VP Sara, na matagal na nilang sinasabi na sasagutin lamang nila ang mga paratang laban sa Bise Presidente sa tamang forum, gaya ng impeachment trial.
Muli rin namang ipinaliwanag ni Poa na karaniwan nang hindi isinasapubliko ang mga detalye tungkol sa confidential fund upang hindi malagay sa alanganin ang mga sensitibong operasyon ng pamahalaan.
Gayunman, maaari aniya nila itong ilantad kung isasagawa ito sa isang impeachment trial.
Tiniyak din naman ni Poa na pinaghahandaan na rin nila ang posibleng paggulong ng naturang pagdinig.
Paniniguro pa niya, sasagutin nila ang lahat ng akusasyon laban sa Bise Presidente upang patunayang walang basehan ang mga batikos laban sa kanya.
- Latest


















