Mas direktang info kay Duterte tiniyak ni Panelo
MANILA, Philippines — Asahan umano ang mas direktang impormasyon kaugnay kay Pangulong Duterte sa pag-upo ni Chief Presidential Legal Counsel (CPLC) Salvador Panelo bilang bagong presidential spokesperson.
Sinabi ni Sec. Panelo, matagal na niyang kilala at kaibigan si Pangulong Duterte bago pa man ito naging presidente kaya kabisado na niya ang kanyang pananaw at pagkatao.
Ayon kay Panelo, mas maibibigay at maipapaliwanag nito ang mga impormasyong may kinalaman kay Pangulong Duterte, maganda man o masama.
Bukod daw sa magkalapit ang kanilang mga edad, magkasundo o pareho daw sila ng interes, hilig at pananaw ni Pangulong Duterte kaya kahit magkatinginan lamang sila ay nagkakaunawaan na.
Nilinaw din ni Panelo na wala siyang balak palambutin o pagandahin sa pandinig ang mga matatapang na pahayag at pananalita ni Pangulong Duterte, bagkus ipapaliwanag kung paano ang pagkakasabi at eksaktong pakahulugan.
- Latest