Financial records ni VP Sara mula sa AMLC, ‘di maaaring pilitan na ilabas - Defense team
MANILA, Philippines — Hindi umano maaaring pilitin ng Senado, bilang impeachment court, na ilabas ang mga records mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil walang itinakdang exemption sa confidentiality provisions ng Anti-Money Laundering Act.
Ito ang iginiit kahapon ni defense counsel Michael Poa habang kinukuwestiyon ng mga senador ang magkabilang panig kaugnay ng mosyon ng prosekusyon na humihiling sa tax records, bank records, at AMLC records ni Duterte kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment.
Sa pagtugon sa mga tanong ni Sen. Joel Villanueva, iginiit ni Poa na bagama’t ang impeachment court ay nilikha ng Konstitusyon, nananatili itong saklaw ng umiiral na mga batas na nagpoprotekta sa pagiging kumpidensyal ng mga ulat ng AMLC.
Nakasaad sa Section 8-A ng Anti-Money Laundering Act na dapat “securely protect” ng AMLC at ng Secretariat nito ang lahat ng impormasyong kanilang natatanggap o pinoproseso.
Ipinagbabawal din sa kanila na “in any manner” ibunyag ang anumang impormasyong nalaman nila dahil sa kanilang tungkulin, kahit matapos silang umalis sa ahensiya.
Ayon pa kay Poa, hindi tutol ang depensa sa transparency, ngunit iginiit niyang dapat pa ring sundin ang mga itinakdang proteksiyon ng Konstitusyon at ng batas.
- Latest
















