Atong Ang, umeskapo na ng Pinas - Remulla

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nakalabas na ng Pilipinas ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at pinaniniwalaang dumaan sa mga hindi opisyal na ruta o “backdoor” upang makatakas.
Tumanggi si Remulla na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa kanyang lokasyon at eksaktong pag-alis upang hindi maapektuhan ang nagpapatuloy na imbestigasyon. Si Ang ay nahaharap sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention kaugnay ng mga nawawalang sabungero.
Nauna nang naglabas ng arrest warrant laban kay Ang at sa mga kasama nito ang RTC sa Sta. Cruz, Laguna. Habang karamihan sa mga kapwa-akusado ay naaresto o nasa kustodiya na, si Ang na lamang ang itinuturing na pangunahing pugante sa kaso. Nag-alok na rin ang DILG ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Bagamat walang rekord sa Bureau of Immigration (BI) na lumabas siya ng bansa ng legal, iniimbestigahan na ang mga ulat na nagtatago si Ang sa Cambodia o Thailand. Mayroon ding mga ulat na maaaring nagtatago pa rin si Ang sa ilang lugar sa Pilipinas tulad sa Cavite o iba pang mga pagmamay-ari niyang ari-arian sa Metro Manila at CALABARZON.
- Latest

















