La Salle naisahan UE sa OT
MANILA, Philippines — Hindi naging madali ang panalo ng defending champion De La Salle University dahil humugot pa sila ng lakas sa extra period para buwagin ang makukulit na University of the East, 97-88, kahapon sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Natakasan ng Green Archers ang mabalasik na laro ng Red Warriors upang kalsuhan ang kanilang two-game lossing streak at ilista ang 4-4 karta, kasalukuyang naka-upo sila sa sixth place sa team standings.
Sinandalan ng La Salle si Mason Amos sa extension, kumana ng and-one play may 1:32 minuto na lang ang nalalabing oras para palobohin ang lamang sa pito, 89-82.
Tumikada si Amos ng game-high 17 points, siyam na rebounds at dalawang assists para sa Green Archers na sunod na makakalaban ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa Linggo sa Blue Eagle Gym.
Ipinakita ng Green Archers ang kanilang tikas sa Red Warriors sa unang dalawang quarters kung saan ay nakalamang agad sila ng 11 puntos, 40-29 sa hafltime.
Nanatili ang nagliliyab na laro ng Taft-based squad sa third canto kaya nasa unahan pa sila, 57-50 papasok ng fourth quarter.
Nakitaan ng determinasyon ang UE, hindi sila basta nagpadaig kaya naman naitabla nila sa 74-all ang iskor para makahirit ng extra period.
Lumabas ang pagiging kampeon ng DLSU sa OT at nasikwat nila ang mahirap na panalo at ibaon ang UE sa ilalim.
Sa huling laro, dalawang extra period ang kinailangan ng University of the Philippines upang kaldagin ang University of Sto. Tomas, 103-101.
Kinapitan ng Fighting Maroons ang mainit na laro ni Veejay Pre upang tulungan ang koponan na ilista ang 6-2 karta at upuan ang tuktok ng team standings.
- Latest





















