Anjo, wala raw pambayad

Inamin ni Anjo Yllana na hindi niya alam kung saan siya kukuha ng P3.5M para ipambayad sa danyos na hinihingi ng Eat Bulaga.
Matatandaang natalo ang aktor sa kasong isinampa sa kanya ng TVJ Productions (owned by Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon) dahil sa mga mapanirang puring pahayag niya laban sa mga host ng Eat Bulaga sa pamamagitan ng TikTok.
Lumabas ang resolusyon ng Branch 279 ng Regional Trial Court (RTC) ng Mandaluyong City noong nakaraang June 29, 2026,
Inatasan ng korte si Anjo na magbayad ng P3.5 million bilang danyos at pinagbawalan na rin siyang mag-post, mag-share, mag-broadcast o muling i-upload ang kanyang mga naging pahayag sa TikTok at iba pang social media at digital platform.
Sa latest episode ng Showbiz Updates, ibinalita ng host na si Ogie Diaz na nakausap niya si Anjo tungkol sa naturang kaso.
“Sinabi nitong honestly, hindi niya alam ang kanyang next move. Pero ‘yong mabayaran ‘yung P3.5 milyong bilang damages, hindi rin niya alam kung saan hahagilapin,” pahayag ng talent manager/content creator.
Sa nasabing vlog ay kumonsulta rin sila ng abogado para ipaliwanag kung ano ang mangyayari sakaling hindi makapagbayad si Anjo ng danyos.
Base sa paliwanag ni Atty. Regie Tongol, kapag walang maibayad si Anjo sa complainant, maaaring kumpiskahin ng sheriff ang mga ari-arian niya tulad ng mamahaling gamit kabilang ang kotse at painting.
Pwede rin daw sulatan ng sheriff ang mga TV network at iba pang company kung saan comnected kay Anjo para sa korte na idiretso ang talent fee nito para sa pagbabayad ng danyos.
Ngunit nasa batas din daw na may mga kagamitan na hindi pwedeng kumpiskahin sa akusado, tulad ng bahay ng pamilya, mga ordinaryong damit, at sweldo for the past four months sakaling mapatunayan na ito’y nakalaan para sa pamilya.
Subalit kung sakaling aapela si Anjo sa Court of Appeals ay hindi raw muna pagbabayarin ng danyos ang aktor habang dinidinig ang kaso.
Allen, tinantanan na si Sofia
Ibinunyag ng Kapuso actor na si Allen Ansay na matagal na siyang tumigil sa panliligaw sa ka-loveteam na si Sofia Pablo.
Inamin ito ng aktor sa comment niya sa isang TikTok video at nilinaw na okay sila ni Sofia at walang gap or whatsoever. “Gusto ko lang pong linawin na okay po kami ni Sofia. Wala pong iniwan, nagpaasa, o nang-bale-wala sa kahit kanino. Para na rin po sa tamang impormasyon, matagal na pong hindi naipagpatuloy ang panliligaw ko kay Sofia noong March pa po,” sey ni Allen.
Aniya, nananatili pa rin daw ang respeto nila sa isa’t isa kahit nagbago na ang kanilang mga priorities.
“Maayos po naming nirerespeto ang isa’t isa, at nagbago lamang ang direksyon ng aming mga priorities lalo na po sa trabaho. Pinili lang po namin na hindi magsalita tungkol dito dahil personal naman po ito,” aniya.
Nakiusap din si Allen sa mga netizens na itigil na ang mga maling balita tungkol kay Sofia at nagpasalamat sa patuloy na sumusuporta sa kanila. “Sana po ay tigilan na natin ang pagpapakalat ng mga maling kuwento o false narratives tungkol kay Sofia. Wala po siyang ginawang masama. Sana ay patuloy ninyo kaming suportahan sa kani-kaniya naming journey. Maraming salamat po sa lahat ng patuloy na sumusuporta,” pahayag ng aktor.
- Latest



















