Mararahas na menor-de-edad
Ang sunud-sunod na karahasan na kinasasangkutan ng kabataan ay nagdulot ng matinding pangamba at muling nagpasiklab ng debate tungkol sa edad ng pananagutang kriminal. May panawagan na ibaba sa 12-anyos ang edad ng criminal liability at meron ding nagpanukala na gawing 10-anyos.
Kung tutuusin, ang kabataan ay may likas na potensyal para sa pagbabago. Sa halip na tingnan sila bilang problema, dapat silang ituring na kasangga sa paghubog ng mas ligtas na lipunan. Ang tunay na hamon ay kung paano magtutulungan ang pamahalaan, paaralan, pamilya, at komunidad upang maibalik ang tiwala ng kabataan sa sistemang dapat gumagabay sa kanila.
Batay sa datos ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC), bumaba ang bilang ng mga kasong kinasasangkutan ng kabataan mula 2016–2019 ngunit muling tumaas kamakailan. Dati ang pinakakaraniwang krimen ay pagnanakaw, pananakit, robbery, rape, at paglabag sa batas laban sa droga. Ngayon ay namamaril na ang mga kabataan, masyado na silang mararahas, wala ng kinatatakutan. 90% ng mga sangkot ay lalaki, ngunit mula 2022 ay may bahagyang pagtaas sa bilang ng mga babaeng kabataan na nasasangkot. Ang mga insidenteng ito ay malinaw na babala na ang kabataan ay nasa bingit ng mas malalim na krisis.
Mapapansin din na tuwing may mga insidente ng karahasan ay nagkukumahog sa pag-aksyon ang mga ahensiya ng gobyerno. “Pagalingan” sila ng mga suhestyon at rekomendasyon na dapat ganito, dapat ganoon. Magpapatawag ng mga presscon, bubuo ng task force, at mabilis ang press release ngunit madalas ay kulang sa konkretong aksyon na tumatama sa ugat ng problema. Kung ang mga institusyon ay patuloy na magpapaligsahan lamang sa pagbibigay ng panandaliang rekomendasyon, walang tunay na pagbabago ang mangyayari.
Kailangan ng masinsinang pagsusuri sa mga dahilan ng karahasan: kahirapan, kakulangan sa oportunidad, kawalan ng gabay, at impluwensiya ng social media. Higit pa rito, dapat ay may koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, paaralan, at lokal na pamahalaan upang makabuo ng iisang direksyon. Hindi sapat ang kanya-kanyang programa. Ang kailangan ay tuluy-tuloy na suporta at malinaw na pananagutan.
Kailangang higpitan ang seguridad sa mga paaralan at palakasin ang komunikasyon sa pagitan ng magulang at anak upang maiwasan ang pagpasok ng patalim o armas. Huwag ningas kugon na kapag lumamig na ang isyu ay manlalamig na rin ang paghihigpit.
- Latest















