‘Of Bolt, Bulls, Balls & Rebultos’

Say Manchego este, cheese! That’s me and Don Quixote in Madrid.

Bago ang lahat nais ko lang ipauna

Ang isang bagay tungkol sa katatapos na

Rio Olympics at ‘yung Kidlat ng Jamaica

At maganda ito para sa kaluluwa!

 

‘Di ako madrama’t ‘di lang mapalagpas ba,

At malamang ito rin ay inyong napuna —

The fastest man, like lightning, sa buong planeta

Ay BOLT ang pangalan n’ya! O may Dyos talaga!

 

At para sa akin kung bakit merong kwenta,

USAIN parang JOSE rin, pangalan kong una

At Saint LEO ang middle name n’ya alam n’yo ba?

“Ano ngayon?” tanong n’yo, de Sunday ano pa!

 

Sa nakaraang sinulat ng Ang Poet N’yo,

Napansin ba ang larawang kalakip dito?

Rebulto ng isang nag-iisip na toro,

Aba’t tungkol dito’y may natuklasan ako!

 

Bukod sa “The Thinker” ni Rodin ang ginaya,

Alam n’yo bang ako’y may naisulat pala,

Mga pitong taon ang nakalilipas na,

Tungkol sa torong ito sa may Barcelona.

 

Manlalakbay at turista ay iba-iba

Gawi sa mga monumentong makikita,

Ang iba’y ginuguhit ang mga estatwa,

Iba nama’y larawan ay nagpapakuha!

 

Subalit ‘di akalain na ako pala,

Sa ilang pagkakataon ay merong gana

Na tula’y sumulat tungkol mga estatwa,

Eto ilan … TATAK JOEY BA! ESTA-TAWA!

 

Torong nakapamaywang at s’yay nakaupo,

Naka-di-kwatro’t nag-iisip; nakayuko,

Ako ma’y napaisip at ‘di ko matanto —

Hayop man sa tao ay may gustong ituro!

 

At sa gitna ng plaza dun s’ya itinayo

Para malaman ninyo ang medyo malabo,

Ayun na nga raw po s’yat nakikipaglaro,

Bakit espada pa ang sa kanya’y titimo?

 

Ang iba naman ay nagpapalakpakan pa,

Mga hiyaw ng tuwa pag s’yay napatay na,

At eto pa raw ang malupit na talaga —

Tagpas pa kanyang itlog! Comida sa mesa!

 

Iniisip n’ya ngayon mabaliktad sana

Ang ikot ng mundo … ang matador ay s’ya na!

Nang malasap ng tao ibang eksperyensya,

Ole! ITLOG NG ESPANYOL MATITIKMAN NA!

 

Bakit ba ibang mga rebulto’y may tungkod?

Dahil ba may panganib na sila’y tumaob?

O dahil sa sila na ay uugod-ugod?

Kakat’wa ngunit iba ang nakapaloob!

 

Freddie Mercury, Charlie Chaplin: Aking kutob,

Katulad ni Moses, lahat sila’y may tungkod,

Tanda ng sila ay maraming tagasunod,

Mga taong walang takot ay sugod nang sugod!

 

O baka naman nalilimutan na ninyo

Ang lahat ng mga hari ay mayrong setro,

Ang animong tungkod din sa korona’y terno,

Kaya Moses, Freddie, Charlie … MABUHAY KAYO!

 

Masarap bum’yahe at lumibot sa mundo,

Tila may bagwis ka rin at ‘yan ang totoo,

Maliban sa pagkain ng kung ano-ano,

Pamimili’t karunungan — makukuha mo!

 

Bukod sa lahat ng ‘yan eto pa nais ko —

Sa mga gusto kong tao’y magparetrato,

Sa kahit katha lamang o tunay na tao,

Buhay man o bakal na’t sementong rebulto!

 

Matinding kaligayahan ang nadama ko

Nang sa Madrid sa Espanya aking nabisto

Isang katauhang kinatutuwaan ko —

Don Quixote de la Mancha na monumento!

 

Tulad din ni Chaplin at Mercury sa Montreux,

Tungkod n’ya ay sibat at sakay ng kabayo,

‘Yan ang tatak nya’t maraming umiidolo,

Sugod kasi nang sugod, ‘yan kanyang prinsipyo!

 

Sa tingin ko ang bango sa buhay ng tao

Ay iyong maaabot mga minimithi mo,

At lahat ng ito ay magkakatotoo

Kung ikaw ay gagalaw at magtatrabaho!

 

Kami ang mga hari sa sipag at ubod,

Mas masaya kami pag sa trabaho’y bugbog!

Inyo lang tandaan at sa ulo’y iuntog —

Pag pagod na pagod mas masarap ang tulog!

Show comments