Inaatake ng selos
Dear Dr. Love
May malaki po akong problema sa mister ko. Two years na po kaming kasal at may isang anak kami. Buntis po ako ngayon sa pangalawa.
Tingin ko po kasi may kinahuhumalingan siyang ibang babae na kapitbahay pa namin. Dati na nyang nakarelasyon ito bago pa kami.
Makailang ulit ko na siyang pinagbawalan na huwag makikipag-usap at makikipagkaibigan sa babaeng ‘yun pero sinusuway niya po ako.
May asawa na rin po ‘yung babae. Sobrang nagagalit po ako sa kanya sa tuwing nakikita kong nakikipag-usap siya sa babaeng ito tuwing nag-iigib ng tubig.
Hindi naman po sa nagseselos ako kaya lang naiisip ko po na baka muling ma-revive ang kanilang dating relasyon.
Sa galit ko ay nilayasan ko siya at bumalik ako sa aking magulang. Naguguluhan ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.
Mahal
Dear Mahal,
Aminin mo man o hindi, inaatake ka ng selos. Kapitbahay ninyo ang babae, natural lang na paminsan-minsan ay magkita sila lalo na sa isang publikong lugar tulad ng igiban ng tubig.
Ang payo ko, supilin mo ang negatibong pag-iisip. Hindi ka dapat magselos, maliban na lang kung sobrang magkadikit sila sa kanilang pag-uusap.
Hindi rin naman maganda tingnan sa pagitan nang magkakapitbbahay ang mag-isnaban.
Isa pa, may asawa na kamo ang babae at kung nag-uusap man sila, marahil casual na lang lalo na nasa igiban ng tubig. Bagay na malayo sa hinagap mo na gusto nilang balikan ang nakaraan. Lawakan mo ang iyong pang-unawa lalo na’t buntis ka. Masama sa kalagayan mo ang masyadong nag-iisip.
Kaya mabuti pa ay balikan mo na ang iyong mister para muling mabuo ang iyong pamilya.
Dr. Love
- Latest


















