Napi-pressure ang bf sa wedding plans
Dear Dr. Love,
Sobrang saya ko nang mag-propose sa akin ang boyfriend ko dahil hindi ko talaga iyon inaasahan. Mas lalo pa akong natuwa nang malaman kong alam na pala ng buong pamilya ko ang plano niya, maliban lang sa akin.
Ngayon, isang buwan na ang nakalipas mula nang mag-propose siya. Natural lang na marami na akong naiisip at gustong asikasuhin para sa paghahanda ng aming kasal. Pero nagulat ako dahil tila naiinis o naiirita siya sa tuwing binabanggit ko ang tungkol sa mga plano.
Sinasabi niyang nai-pressure siya at bakit hindi na lang muna kami mag-relax at i-enjoy ang moment.
Naiintindihan ko naman ang gusto niya, pero iniisip ko rin na habang maaga ay mas mabuting nakakapagplano na kami. Gusto ko lang naman na mapag-usapan ang budget at iba pang mahahalagang detalye. Hindi rin naman ako nangangarap ng engrande o bonggang kasal. Ang gusto ko lang ay isang simple pero maayos na selebrasyon.
Dahil dito, napapaisip ako kung tama bang mag-alala. Konting pressure pa lang kasi ay tila nahihirapan na siyang harapin ang sitwasyon. Mali ba ako sa gusto kong magplano nang maaga?
Mira
Dear Mira,
Hindi lahat ng tao ay may parehong pananaw at paraan ng pagharap sa mga sitwasyon. Posibleng magkaiba lamang kayo ng diskarte pagdating sa paghahanda para sa inyong kasal. Ikaw ay mas gustong magplano nang maaga, samantalang ang boyfriend mo ay gusto munang namnamin ang kasalukuyang yugto ng inyong relasyon bago harapin ang mga detalye.
Mahalagang magkaroon kayo ng bukas at mahinahong pag-uusap tungkol sa inyong mga inaasahan. Ipaliwanag mo sa kanya na ang maagang pagpaplano ay hindi para dagdagan ang kanyang pressure kundi para maging mas organisado at handa kayo sa mga gastusin at iba pang pangangailangan.
Maaari rin kayong humingi ng tulong sa isang wedding coordinator para mabawasan ang stress sa pag-aasi-kaso ng mga detalye. Kayo na lamang ang magbibigay ng direksiyon tungkol sa uri ng kasal na nais ninyo at sa budget na inyong itinakda.
Higit sa lahat, kausapin mo siya tungkol sa mga agam-agam mo. Ang pag-aasawa ay hindi lamang tungkol sa paghahanda ng kasal kundi tungkol din sa kakayahan ninyong magtulungan sa pagharap sa mga ha-
mon ng buhay. Sa pamamagitan ng maa-yos na komunikasyon, mas mauunawaan ninyo ang isa’t isa at mas mapagtitibay ang pundasyon ng inyong bubuuing pamilya.
Dr. Love
- Latest
















