Time heals all wounds
Dear Dr. Love,
Mangyaring tawagin mo na lang akong Cesar, 41-anyos. Katulad ng iba, may nais akong idulog na problema sa inyo. Sana’y mapagpayuhan mo ako.
Limang taon na akong hiwalay sa aking asawa. Matapos ang annulment ay lumipad siya papuntang Amerika at nakapag-asawa na siya roon.
Naiwan sa piling ko ang kaisa-isa naming anak na babae na ngayo’y limang taon na rin mahigit.
Mahal na mahal ko ang anak ko at kahit single parent ako, itinataguyod kong mag-isa ang pag-aaral niya. Paminsan-minsan ay pinadadalhan siya ng pera ng kanyang ina pero napakadalang mangyari noon. Ni hindi na niya kilala ngayon ang kanyang ina.
Pero ito ang hindi ko ma-take. Gusto ng dati kong misis na kunin ang aming anak. Tumututol ang aking damdamin pero kapag iniisip ko ang maganda niyang kinabukasan sa Amerika ay parang gusto ko nang pumayag. Kung ikaw ako, ano ang gagawin mo?
Cesar
Dear Cesar,
Kung kaya mong arugain ang anak mo nang nag-iisa at mahal na mahal mo siya, huwag ka na lang pumayag na mapunta siya sa piling ng kanyang ina.
Maguguluhan lang ang isip ng bata at makakaapekto sa kanyang psychological development. Mas matagal ang inilagi ng anak mo sa iyong piling kaya magiging traumatic para sa kanya na mapunta sa isang lugar na malayo sa iyo.
Ngunit kung hindi mo kaya, mabuti rin sigurong ibigay mo na lang siya sa kanyang ina. Masakit ito para sa inyong mag-ama pero may kasabihang time heals all wounds.
Dr. Love
- Latest
- Trending