Nasagad ang dakilang misis

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Lagring, 32-anyos at may asawang malupit na sa matagal na panahon ay pinagtiisan ko.

Bukod sa pagiging babaero, sugarol at lasenggo, napakagaan ng kamay niya sa akin. Laging may pasa at bugbog ang aking katawan. Kahit walang kabagay-bagay ay kinagagalitan niya ako at inaaway.

Pitong taon na akong nagtitiis sa ugali niyang ito. Nagtitiis ako dahil mahal ko siya at mayroon kaming dalawang anak.

Pero napuno na talaga ako. Nang huling bugbugin niya ako ay nagsuplong na ako sa pulis at siya’y nakulong. Idinemanda ko siya.

Subalit ngayo’y nakikiusap siya sa akin. Patawarin ko na raw siya at magbabago na siya. Gusto niyang mag-urong ako ng demanda.

Dapat ko ba siyang pagbigyan?

Dr. Love

Dear Lagring,

Madaling magsabi ng “magbabago” pero kung tutuparin niya iyan ay wala kang katiyakan. Buhay mo ang nakataya. Baka dahil sa ginawa mo ay buweltahan ka niya at lalong gulpihin.

Mas makabubuting umiral ang batas. At kung posible, maaari kang magsampa ng annulment of marriage dahil ang ganyang pagmamalupit ng lalaki ay matibay na ground para pawalang bisa ang kasal.

Dr. Love

Show comments