^

Dr. Love

Nililigawan ako ni bayaw

-

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo. Kalakip din po ng liham na ito ang pangungumusta rin sa lahat ninyong mga kasamahan sa Pilipino Star NGAYON.

Itago na lang po ninyo ako sa pangalang Belle, isang housemaid   at   may problema sa aking bayaw na laging tumatawag sa akin at talaga naman pong nakakaistorbo at nakakagalit na.

Ang bayaw ko pong ito ay hiwalay na sa aking nakatatandang kapatid at kasalukuyan pong nasa ibang bansa sa Italya. Mayroon silang isang anak.

Ang ate ko po ang kusang humiwalay sa kanya may apat na taon na ang nakalilipas dahil sa bukod sa batugan ay sinasaktan pa ang ate ko dahil seloso siya.

Ang hindi po namin alam, mayroon na siyang trabaho ngayon at sa ibang bansa pa.

Ewan ko kung paano niya nakuha ang cell phone number ko. Pero mula sa Italya, tinatawagan niya ako at nanliligaw nga.

Noong una, ang akala ko, kinukumusta lang niya ang aking pamangkin dahil noong magkahiwalay sila ng ate ko, ako ang tagapag-alaga ng bata.

Noong sumunod na tawag, nagpatabi-tabi na siya at sinabi sa akin na pag-uwi niya, nais niyang bisitahin ako. Sa mga sumusunod na tawag niya, iba na ang sinasabi niya sa akin at diretsahan na siyang naniligaw.

Pinagalitan ko siya at pinagsabihang huwag na akong gambalian. Pero patuloy pa niya akong pinepeste.

Bakit po kaya ganito ang ginagawa ng dati kong bayaw? Ito po ba ay isang uri ng paghihiganti niya sa aking ate na ngayon ay mayroon nang kinaka­samang “tomboy?”

Dapat ko bang sabihin ito sa ate ko? May kaba ako na baka kunin niya ang pamangkin ko sa sandaling bumalik na siya sa bansa.

Hangad ko po ang makabuluhan ninyong payo.

Maraming salamat at God bless you ang your column.

Sumasainyo,

Belle

 

Dear Belle,

Salamat sa liham mo. Sa ngayon, hindi pa ma­laking problem ang pamemeste ng dati mong bayaw dahil nasa ibang bansa pa siya.

Ang panliligaw niya ay maaari ngang isang uri ng panggagalit niya sa ate mo dahil hiniwalayan siya nito.

Maaaring nadadamay ka lang sa sigalot nilang mag-asawa at hindi naman talaga panliligaw ang pakay niya kundi para lang makibalita sa kanyang anak.

Makabubuting magpalit ka ng cellphone number para maputol na ang pamemeste sa iyo ng dati mong bayaw.

Makabubuting sabihin mo ito sa ate mo para makapaghanda siya kung anuman ang binabalak ng dati niyang asawa.

Kung talaga namang tinototoo ng dati mong bayaw ang panliligaw sa iyo, iwasan mo rin ito dahil wala itong maidudulot na mabuti para sa iyo.

Sa madaling salita, huwag mo siyang patulan dahil para ka namang binabastos ng dati mong bayaw na nagnanais na tuhugin kayong magkapatid porke mayroon na siyang trabaho ngayon.

Masakit para sa kanya na hiwalayan ng ate mo dahil sa isa siyang batugan noon at nananakit pa ng asawa.

Siguro, ang akala ng bayaw mo, porke bata ka pa, papatulan mo siya dahil mayroon na siyang pera ngayon.

Dr. Love

ATE

BAYAW

DAHIL

DEAR BELLE

DR. LOVE

ITALYA

MAKABUBUTING

NIYA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with