OVP, may 111 disbursement sa 1 araw

MANILA, Philippines — Sa ika-13 araw ng impeachment trial, isiniwalat na nagsagawa ang Office of the Vice President (OVP) ni VP Sara Duterte ng 111 disbursement sa loob lamang ng isang araw na umabot sa P17 milyon mula sa confidential funds.
Ayon kay Senator-Judge Francis Pangilinan, lahat ng disbursement ay may petsang Disyembre 23, 2022. “Binilang namin, 111, isang araw totaling 17 million. Pagka ganyan ba, is that—would you consider that usual?” tanong ni Pangilinan kay dating COA auditor Roderick Wamil.
Sa una, hindi nakumpirma ni Wamil ang bilang. Nang tanungin kung pangkaraniwan ang naturang disbursement, sinabi niyang walang partikular na probisyon sa Joint Circular 2015 tungkol dito, ngunit tinawag niya itong “unusual.”
Bilang bahagi ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng COA, in-audit ni Wamil ang P500-M confidential funds ng OVP at P112.5-M para sa DepEd noong kalihim pa si Duterte.
Batay sa liquidation records, P125-M ng confidential funds ng OVP ang na-disburse mula Disyembre 21–31, 2022, habang kaparehong halaga ang inilabas sa unang tatlong quarter ng 2023.
Napansin din ni Pangilinan na lahat ng acknowledgment receipts na isinumite ng OVP ay buo ang numero - P250,000 o P500,000 - at walang butal o sentimo.
- Latest























