Prosekusyon panel handa na sa face-to-face vs defense team ni Sara
MANILA, Philippines — Handa na ang prosecution panel sa harapang paglilitis laban sa defense team ni Vice President Sara Duterte, at nakahanda rin silang salagin ang anumang pagharang at argumento ng kalaban sa sandaling magsimula na ang impeachment trial sa Senate Impeachment Court sa susunod na buwan.
Ito ang inihayag ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, isang human rights lawyer at miyembro ng prosecution panel. Ayon kay Diokno, tulad ng malalaking kaso sa korte, puspusan na ang paghahanda ng kanilang grupo sa pagpiprisinta ng mga testigo, ebidensiyang dokumento, at pagtugon sa mga inaasahang argumento ng depensa.
“Alam po ninyo, ‘yung ginagawa naming paghahanda ay walang pinagkaiba sa paghahanda ng isang kaso sa pagharap sa korte,” pahayag ni Diokno kaugnay ng pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6.
“Nariyan ‘yung mga testigo, nariyan ‘yung pagpresinta ng mga dokumento, at nariyan din ang paghahanda sa mga maaaring maging argumento ng kalaban,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Diokno na bago pa man magsimula ang paglilitis ay isinapubliko na ng defense team ni VP Sara ang kanilang mga argumento. Inaasahan ng prosecution panel na mas darami pa ang mga isyung ibabato ng depensa upang harangin ang impeachment.
- Latest


















