Kontratistang mabagal kakanselahing mabilis
MABUTI’T napansin ni President Rody Duterte ang salot sa kalye na nakakatuyo ng dugo ng mamamayan. ‘Yon ang mga proyektong nakatiwangwang dahil sa kapalpakan ng kontratista at kapabayaan ng opisyales. Marami niyan sa buong kapuluan: highways na isang panig lang ang nakonkreto, drainage na hinukay pero hindi itinuloy, at tulay patungo sa wala. Nakakatrapik, nakakapinsala sa kaligtasan, nakakagulo sa komunidad ang mga ‘yan. Nasasayang ang pera ng bayan.
Inutusan ni Duterte ang Dept. of Public Works and Highways na repasuhin lahat ng proyekto. Tiyakin kung ano-ano ang atrasado nang mahigit isang buwan. Alamin kung bakit. Ipatapos agad sa kontratista. Kung hindi na makaya, kanselahin ang kontrata, at multahan at i-blacklist ito. Ibigay ang trabaho sa ibang kontratista.
Binunyag ni Duterte ang raket ng ilang kontratista. Ibabagsak ang presyo sa bidding, pero wala naman palang puhunan para tapusin ang trabaho; saka pa lang hahanap ng tagapondo. O kaya’y lulutuin ang bidding, pero hindi naman mahaharap ang trabaho at susuhulan na lang ang DPWH inspectors para sumulat ng magandang report.
Sana tutukan din ni Duterte ang Dept. of Transportation. Doon puro press release lang sila ng “Build, Build, Build.” Kesyo may 75 malalaking proyekto -- riles, pier, airports -- na paggagastusan ng P9 trilyon. Pero halos lahat ng sinisimulan ngayon ay ‘yung matagal nang inaprubahan ng nakaraang administrasyon. Ni hindi pa man din matapos ang luma. Ehemplo ang LRT-2 extension, apat na kilometro lang ng riles mula Marikina hanggang Cainta, sa gilid ng Metro Manila. Apat na taon ang sinayang ng nakaraang admin sa pagtayo ng elevated guideway. At dalawang taon na ang inaaksaya ng kasalukuyan pero wala pa ring riles, mga istasyon, at power lines.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest















