BIR box ni VP Sara pinabubuksan sa impeachment court
MANILA, Philippines — Naghain ng manipestasyon ang prosecution team na buksan na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) box na naglalaman ng income tax returns (ITR) ni Vice President Sara Duterte sa isinasagawang pre-trial conference sa Senado.
“Since we are in the marking of exhibits, this is the proper stage na kailangan na rin siguro buksan ‘yan para magkaroon na ng inventory of the contents of that particular BIR box,” ani House prosecutor at Partylist Representative Leila de Lima.
Mas mapapabilis aniya ang paglilitis kung mamamarkahan na rin ang mga ebidensiya na nasa loob ng BIR box na hindi nabuksan sa House of Representatives.
Matatandaan na noong nagsagawa ang House Committee on Justice ng pagdinig sa impeachment complaint, nag-isyu sila ng subpoena sa BIR para ipresenta ang tax record ni Duterte, kanyang asawa at kanilang mga kumpanya.
Pero karamihan sa mga miyembro ng komite ay kumontra sa pagbubukas ng BIR box dahil sa probisyon sa National Internal Revenue Code (NIRC) na nagpoprotekta sa privacy ng taxpayer.
Sinabi rin ni De Lima na nasa desisyon na ang Senado na tumatayong impeachment court kung pagbibigyan ang kanilang manipestasyon.
- Latest















