3 mananahi patay sa carbon monoxide!
MANILA, Philippines — Tatlong mananahi ang nasawi makaraang makalanghap ng nakalalasong carbon monoxide sa isang bodegang patahian sa Brgy. Campetic, Palo, Leyte nitong Miyerkules.
Sa ulat ni P/Lt. Col Florando Relente, Officer-in-Charge ng Palo Municipal Police Station (MPS), ang mga biktima na kinabibilangan ng dalawang lalaki at isang babae, pawang mananahi ng isang negosyante, ay natagpuang nakahandusay at wala nang buhay sa nasabing bodega sa Zone 6, Brgy. Campetic ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, ang generator na kanilang ginagamit ay nagpro-prodyus ng carbon monoxide sa nasabing bodega na sarado umano at walang ibang bentilasyon na hinihinalang siyang nakalason sa naturang mga biktima.
Nabatid na ang nasabing generator ay nasa tinutuluyan ng naturang mga mananahi.
Nadatnan na lamang ang tatlo ng kanilang mga kasamahan na hindi na gumagalaw at matigas na ang mga katawan.
Sinasabing madalas mag-brownout sa lugar kaya gumagamit ng generator ang may-ari ng patahian.
- Latest





















