Ayaw magtrabaho ng anak
Dear Dr. Love,
Ako po si Rose, isang ina na labis na nag-aalala sa aking anak na nasa hustong edad na pero ayaw magtrabaho at tila walang pangarap sa buhay.
Paulit-ulit ko na siyang pinapayuhan, pero hindi ko nakikita sa kanya ang positibong tungon na para bang wala siyang pakialam sa kanyang kinabukasan.
Hindi ko naman po hinihinging yumaman siya. Gusto ko lamang na matuto siyang magsikap at maging responsable sa sarili.
Natatakot akong dumating ang panahon na hindi na namin siya kayang suportahan, pero hindi pa rin niya kayang tumayo sa sarili niyang mga paa.
Paano ko po kaya siya matutulungang magkaroon ng direksiyon sa buhay nang hindi kami palaging nag-aaway? Hanggang kailan ko po ba siya dapat unawain at suportahan?
Rose
Dear Rose,
Sikapin mo na lawakan pa ang unawa sa iyong anak. Dahil natitiyak kong may dahilan ang kawalan niya ng gana. Maaaring may pinagdaraanan siya na hindi niya masabi sa iyo.
Pero sa kabilang banda, kung wala naman ay patuloy mo siyang hikayatin nang may buong pagmamahal, at sabihing panahon na para harapin niya bukas nang may buong determinasyon at responsibilidad.
Ipaunawa mo sa kanya na ang pagmamahal ng magulang ay hindi nangangahulugang habambuhay na bubuhayin ang anak.
Magtakda ka ng hangganan at magrekomenta ng mga hakbang kung saan maaari siyang magsimula na pagsikapan ang sarili niyang kinabukasan. Huwag mo ibigay ang lahat ng kanyang pangangailangan. Kung kaya na niyang tumulong at magtrabaho, hayaan mo siyang kumilos.
Ipakita at ipadama mo sa kanya ang buo at patuloy mong paggabay, pero huwag mong akuin ang mga responsibilidad na dapat siya mismo ang humarap.
Tandaan mo, maaari mong ituro ang tamang landas, pero siya ang kailangang magpasiyang tahakin ito. Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi lamang nagbibigay ng ginhawa, kundi nagtuturo rin ng pananagutan.
DR. LOVE
- Latest



















