TRO sa BSKE postponement hiningi sa SC

MANILA, Philippines — Hiniling ni election lawyer Romulo Macalintal sa Korte Suprema na magsagawa ng oral arguments at maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa Republic Act No. 12326 na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2, 2026 patungong ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at nagtatakda ng 5 taong termino sa barangay at SK officials.
Sa kanyang urgent motion na inihain online nitong Linggo, iginiit ni Macalintal na dapat agad aksyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang usapin. Nauna nang inatasan ng Korte Suprema ang Office of the President, Senado, Kamara at Commission on Elections (Comelec) na magsumite ng komento sa petisyon.
Sinabi ni Macalintal na malinaw umanong pinahahaba ng Section 5 ng batas ang panunungkulan ng mga incumbent barangay at SK officials.
Binigyang-diin din niya na nakapaghanda na ang Comelec para sa 2026 BSKE at nakagastos na umano ng P8 bilyon para rito. Aniya, kung hindi matutuloy ang halalan sa Nobyembre 2, 2026, maaari umanong atasan ang Comelec na idaos ito sa pinakamalapit na petsang pinahihintulutan ng Section 6 ng Omnibus Election Code.
Samantala, iginiit naman ng Office of the Solicitor General (OSG) na dapat ibasura ang petisyon dahil ang pagtatakda ng termino ng mga opisyal ay isang political question.
- Latest



















