Helipad sa mansion ni VP Sara, nabisto
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang natuklasang helipad sa mansion ni Vice President Sara Duterte sa Davao City, at sinabing dapat itong masiyasat bilang bahagi ng usapin sa umano’y unexplained wealth.
Ayon kay Chua, ang pagkakaroon ng helipad ay maaaring indikasyon na may helicopter ang pamilya Duterte. Ang naturang mansion, na may dalawang malaking swimming pool at isang helipad, ay idineklara umano bilang lupang agrikultural sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
“So, ang isang property na may helipad ay nangangahulugang may helicopter ka,” ani Chua.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing ari-arian. Nagsagawa na rin ng field inspection ang mga operatiba nito habang sinusuri kung tumutugma ang deklarasyon sa SALN ng bise presidente.
Sinabi ni Chua na anumang maging resulta ng imbestigasyon ay maaari nilang isama sa Article II o unexplained wealth at ikonsidera rin ng mga senator-judge sa impeachment trial.
Samantala, sinabi ni lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na ang umano’y karangyaan ng pamumuhay nina Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio ay taliwas sa imaheng simple at payak na matagal nang inilalarawan sa publiko.
Matatandaang madalas na inilalabas sa social media ang mga larawan ni Duterte na kumakain ng fishball at sa mga fast-food restaurant, habang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nakitang natutulog sa ilalim ng kulambo bilang simbolo ng simpleng pamumuhay ng kanilang pamilya.
- Latest




















