Moderno, mas malawak na Emergency Room ng QPHN-QMC binasbasan

MANILA, Philippines — Para sa patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa mga taga Quezon, binasbasan na ang bago, moderno at mas pinalawak na Emergency Room (ER) facility ng Quezon Provincial Health Network-Quezon Medical Center (QPHN-QMC) kahapon.
Sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, binasbasan ng pari ang bagong pasilidad ng QPHN-QMC na isang multi-year project na pinondohan sa pamamagitan ng 20% Development Fund ng lalawigan.
Ito ay may lawak na 1,698.75 square meter kung saan matatagpuan ang iba’t ibang rooms kabilang na isolation room, minor operating room, ENT/Opthalmic room, behavioral area, laboratory, pharmacy at iba pa na idinesenyo upang tugunan ang iba’t ibang pangangailangang medikal ng mga pasyente.
Isinagawa rin ang turnover ceremony ng mga bagong kagamitang medikal kabilang ang Automated Chest Compressor Machine, Multi-Parameter Patient Monitor, Infant Incubator, Syringe Pump, at Mechanical Ventilator, na makatutulong sa mas maayos na pagsusuri, pangangalaga, at paggamot sa mga pasyente.
Ayon kay Gov. Tan, bagama’t marami pang suliranin at kailangang pagbutihin sa sektor ng kalusugan, patuloy ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pagpapahusay ng mga pasilidad at serbisyong medikal para sa mga Quezonian.
Dumalo sa programa sina PhilHealth President and CEO Dr. Beverly Lorraine C. Ho, at Senator Joseph Victor Ejercito Estrada.
Pinasalamatan ni Sen. JV si Gov. Tan sa pagbibigay-prayoridad sa sektor ng kalusugan.
- Latest




















