Male-maletang pera na delivery, walang lumutang na Romualdez
Mahalaga sa harap ng husgado na detalyado ang testimonya ng isang testigo upang mapatibay ang pagkakasala ng isang inaakusahan lalo na sa mabigat na kasong plunder.
Tungkol sa male-maletang puno umano ng pera na inihatid sa tatlong magkakaibang lugar, ang malaking tanong: Nasaan si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga sinasabing delivery?
Wala naman kasing binanggit ang testigo ng prosekusyon na si Rodante Orbillo sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division sa petisyon ni Romualdez para sa piyansa nitong Huwebes, na may pagkakataong personal niyang nakita ang dating Speaker na tumanggap ng kahit isang maleta. Wala ring nabanggit na personal niyang nakita o nasulyapan man lang si Romualdez sa alinman sa tatlong lugar na tinukoy nito,
Mahalagang detalye ito dahil ang pinag-uusapan ay isang kasong plunder na napakabigat laban sa isang dating lider ng Kamara.
Hindi sapat na may sinasabing delivery ng pera. Kailangang malinaw rin ang ebidensiyang mag-uugnay sa akusado sa umano’y ilegal na transaksiyon.
Ayon sa dating Marine na si Orbillo na natanggal sa serbisyo matapos humarap sa kasong frustrated murder, nagmaneho umano siya ng mga sasakyang may kargang maleta na naglalaman ng pera patungo sa McKinley Road at Narra Avenue sa Forbes Park, Makati City, gayundin sa Aguado Street sa Maynila. Aniya, hindi bababa sa 10 beses siyang naghatid ng maletang pera sa McKinley Road, isang beses sa Narra Avenue at isang beses naman sa Aguado Street. Kaya sa bilang, 12 beses siyang naghatid ng mga maleta.
Sa kabila nito, walang tinukoy ang testigo na personal na tinanggap ni Romualdez ang mga maleta kaya hindi nito direktang iniugnay ang dating Speaker sa aktuwal na pagtanggap ng mga maleta, o nag-utos at may kinalaman sa perang nabanggit.
Dahil dito, pumapasok ang mahalagang pagkakaiba ng “alegasyon” sa “direktang ebidensya”.
- Latest















